Friday, May 4, 2007

Intro

Ako si ruralvet, beterinaryo sa rural Cavite, Pilipinas.

Trabaho: Kasalukuyan akong nagtatrabaho sa isang kooperatiba bilang tagapangasiwa ng isang babuyan at beterinaryo ng mga proyektong pangkabuhayan ng mga kasapi. Ikatlong taon ko na dito ngayon. Karamihan ng naikukunsulta sa akin ay mga baboy at manok, may konting pugo, baka at iba pang mga hayop. May kaunti akong training sa aso at pusa, bagamat di ko na maalala ang ibang kondisyon nila. Pinag-aaralan ko ngayon ang pakain at pagpapakain ng mga hayop kahit di ito masyadong interesante para sa akin, dahil sa totoo, mas importante pa rin ang tubig at pagpapainom sa mga hayop (Walang kokontra!) at tamang pangangasiwa. Sa tingin ko, masyado ang komersyalismo sa ngayon sa industriya ng paghahayupan, na tipong kung di ka mag-iisip at lahat paniniwalaan mo e magagastusan ka lang at baka wala ka pang kitain. Sa practice, naniniwala ako sa B2B na konsepto. Back to basics yan, dahil kung tutuusin, ang importante lang naman ay ang mahalaga (di ba? LOL) at ang mahalaga ay ang mga batayang pangangailangan. Kahit naman sa ating mga tao ganon di ba?

Aliwan: Kung di ako okupado ng trabaho malamang nasa bahay ako at nagpapahinga. Masyadong energy consuming makipagusap sa napakaraming tao sa isang araw. Pero palagay ko, nauubos ang oras ko sa pagmamaneho. Masyado kasing malalayo ang mga pinupuntahan ko. Habang nagmamaneho ako, paborito kong makinig ng podcasts (nung ayos pa iPod ko). Ngayon naman paborito kong makinig ng radyo, 94.7 ang lagi kong pinakikingan dahil ayoko ng masyadong maingay na musika. Gusto ko rin ng AM minsan, kaya lang nakakasawa din dahil walang masyadong variety dito sa Manila, kaya madalas nga FM na lang.
Sa bahay pagkauwi, routine ko na na magbukas ng computer pagdating. Tapos titingnan ko kung may mga e-mail akong natanggap. Sunod naman ang pag upload at pagback up ng mga litratong kinuha ko sa buong araw. Kung weekends, nanonood ako ng Sopranos sa DVD na nabili ko sa SM (suking muslim) ko, na di ko naman matapos-tapos. Nasa season 5 na ako ngayon pero tatapusin ko na ito. Kasama sa mga paborito kong panoorin ang Prisonbreak, My Sassy Girl (na binigay sa aking ni Tinanats, na ilang beses ko na ring inulit-ulit at tinulugan). Inuulit-ulit ko ring panoorin ang Click ni Adam Sandler na makailang beses nang nagpasikip ng lalamunan ko. Gusto ko rin ang Scarlet Letter na pahapyaw kong nabasa noong maliit pa ako ngunit di ko pa masyadong naintindihan noon. Pinagaaksayahan ko rin ng oras ang NCIS, Gray's Anatomy at ang House MD.
Kung sawa na at masakit na ang mata ko sa kapapanood, music naman ang pinagaaksayahan ko ng kuryente. Paborito ko ang Pachelbel's Canon in D at lahat ng mga nasa easy listening genre.
Medyo sari-sari ang laman ng iTunes ko sa ngayon dahil pinagaaralan ko sa kasalukuyan ang mga Jazz.

Aral: Nagtapos ako ng kolehiyo sa UPLB, class of 2003. Tumagal ako sa college dahil sa zero deficiency policy ng CVM, isang walang kwentang patakaran na kung may kulang kang unit, kahit isa lang, di ka pwedeng maging clinician. Marami rin akong batchmates na naapektohan nito. Nag-train ako sa pangangalaga ng mga kabayo, gatasang baka at sa wildlife. Sa ngayon, plano kong magpakadalubhasa sa nutrisyon ng mga hayop. Nag-apply ako sa UPLB pero di ko pa alam kung tatanggapin ako. Natanggap na ako. Di ko naman ngayon alam kung papayagan ako ng boss ko.

Welcome ulit dito sa blog ko. Pwede mag comment pero bawal kumontra. Pwede akong sulatan sa feedback link sa taas.