Sunday, May 25, 2008

Pig Production Tips (Tagalog)

It's in Tagalog for better comprehension:

Mga TIP para sa mas mabilis na paglaki ng baboy (at mas malaking kita):

• Suriin araw-araw ang painuman (nipple drinker) ng baboy. Siguruhing malakas ang pressure (2 litro per minute). May epekto sa ganang kumain (appetite) ng baboy ang kakulangan sa tubig. Bukod dito, nagiging dahilan din ang kakulangan sa tubig ng mahinang paglaki ng baboy.

• Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pakain (feeds), siguruhing may pakainan ang inyong ulbo (pig pen). Kailangang may 12-14 inches na pakainan ang bawat isang baboy. Iwasan ang pagpapakain sa sahig (floor feeding) dahil nasasayang lang ang pakain.

• Siguruhing naaayon sa sukat ng kulungan ang aalagaang baboy. Ang isang baboy ay nangangailangan ng 1-2 metro kwadrado (square meters) na sahig (floor space), depende sa pagkakagawa ng kulungan, init ng lugar, at baba ng bubong. Iniiwasan ang pagsisiksikan ng baboy dahil nagiging dahilan ito ng sipon at ubo (respiratory disease) na mahirap gamutin. Bukod dito, nagiging dahilan din ito ng mahinang paglaki ng baboy at nagreresulta sa karagdagang kunsumo ng pakain.

• Pagdating ng biik, turuan silang hanapin ang painuman sa pamamagitan ng pagtali ng alambre (tie wire) sa nipple para tumulo ito. Gawin ito sa loob ng unang tatlong oras. Sa ganitong paraan, madaling nakakainom ang biik. Maglagay din agad ng kaunting pakain sa pakainan upang mahanap agad nila ang pakainan.

• Siguruhing laging may pakain (feeds) ang pakainan. Sa pagpapalaki ng fattener, mas mabilis lumaki ang mga baboy kung tuloy-tuloy ang pagpapakain (ad libitum). Sa kabuuan, mas mabilis mabenta ang baboy at mas kaunting feeds ang makukunsumo, kaya mas lalaki ang kita.

• Kung nagpapakain sa labangan, iwasan ang pagpuno nito. Hindi ito pinupuno dahil matatapon lang ang pakain at masasayang. One-third (1/3) lang ng pakainan ang dapat na dami ng ilalagay na pakain.

• Iwasang magutom ang mga baboy. Ang pagkagutom ay isang uri ng stress. Maaari itong maging dahilan ng pagkakasakit ng baboy at mahinang paglaki. Kaya dapat iwasan ang dalawa o ang tatlong beses na pagpapakain lamang sa isang araw.

• Sa pagdating ng mga biik, siguruhing hindi nakahalo ang malalaki sa maliliit na biik. Kailangan silang paghiwalayin upang mas madaling makahabol sa paglaki ang maliliit na biik. Bukod dito, mabibigyan din sila ng sapat na atensyon.