Friday, December 8, 2006

Hirap at Boy

May nabasa ako, sabi:
Pain is not what you feel. Pain is when you see people you have hurt and you cannot do anything about it.
Kaya nga maswerte pa rin ako o ikaw kasi yung mga problemang nakakaharap natin e mga problemang di naman talaga dapat pinoprublema. Kung may problema ka, sabi nga ni Keana sa Pinoy Big Brother, isipin mo yung mga taong nasa ICU na walang magawa sa kalagayan nila.
-----
Andaming pulis kanina sa bawat major intersection na nadaanan ko dito sa Cavite. Sobrang dami talaga at karamihan sa kanila e mga bagong pulis. Naka red-alert siguro sila dahil sa terrorist alert kasi nga gaganapin dito sa bansa ang Asean Summit, sa Cebu.
Anlaki siguro ng matitipid ng pamahalaan kung walang mga taong masasama ang intensyon.
Sapat na sana siguro yun para pambayad sa mga utang ng Pilipinas!
-----
Naghahanap nga pala ako ng beterinaryo na mamamalagi sa babuyan ng kooperatiba sa Maragondon. Ang hirap kasi talaga kung walang palagiang tagamasid sa mga boy. Boy ang tawag dun sa mga tauhan namin dun kasi di sila contractual na empleyado, di rin sila regular, boy nga e. Arawan ang bayad sa kanila pero tuwing ikalawang linggo binibigay. Mababa ang sweldo nila kasi wala naman requirement na edukasyon sa kanila. Ayun tuloy ang hirap mandohan. Di mo pwedeng utusan ng di mo muna ipinapakitang kaya mong gawin ang iniuutos mo. Kailangan din nila ng halos oras-oras at araw-araw na pag-gabay dahil nga boy sila. Sa mailking salita, mahirap talaga asahan.
Pero optimistic pa rin ako. Nakatutuwa nga kasi kahit ganon sila, pag paulit-ulit na ginagawa e natututo rin. Halimbawa, yung isa, mas magaling pang gumamit ng microscope kesa sa ibang estudyanteng nakakasalamuha ko. May microscope kasi sa farm dahil ginagamit namin yun para sa pagsilip at pag-aaral ng semilya ng barako na para sa artificial insemination. Sa totoo, nahasa na talaga sya. Konting fine tune na lang pwede na.
Yung isa naman sa ngayon e wala pa akong nakikitang magandang kinabukasan nya. Madalas parang mabigat ang katawan at parang laging naglalakbay ang diwa nya. Sana lukuban sya ng espirito ng kasipagan at ng presence of mind. Sana.
-----
Naikwento ko na ba na mas matagal pa akong nagda-drive kesa nagtatrabaho (ng gawain ko bilang beterinaryo)? Malimit kasi nasa labas ako ng opisina kaya nga wala na akong mesa dun. Parang guest na lang ako dun. May appearance tuwing umaga, sabay alis.
Malimit lumampas sa 100km ang natatakbo ko sa bawat araw. Di naman masyadong malayo ang nararating ko. Paikot-ikot lang talaga, paroo't-parito.
Malimit din inaabot ako ng gabi sa labas habang pauwi. Hirap nga ako mag-drive pag gabi kasi sobrang madilim yung tint ng windshield ko. Lokal kasi yun. Kung di lang mainit masyado pag araw, e gusto ko na paalis yun.
Madalas ako magmura pag nagdadrive lalo na kung tatanga-tanga yung sinusundan ko. Siguro ganon din yung ibang driver na nasa likod ko minsan.
-----
Useless: Ang tsokolate ay masarap, pero may theobromine at caffeine ito na maaaring makalason ng aso.